“Parang nakikita ko ‘yung kamay ni GMA, eh, dahil puro tao niya ‘yung mga nakikita ko dun; si Mike Defensor, si Esperon. So, mga GMA people ‘yun. Hindi ko sinasabing si GMA, ha? Kung iko-connect mo lang ‘yung dotted lines,” opinyon ng political analyst na si Ronald Llamas.

“Bakit nandoon si Mike Defensor? Wala raw siyang kinalaman, tumulong lang daw siya.”

Ito ang naging obserbasyon ni Llamas kaugnay ng paglantad ng 18 umano’y dating mga sundalo na nagsabing nag-deliver umano sila ng male-maleta ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno, dati at kasalukuyang mambabatas, at iba pang personalidad kaugnay ng flood control projects scandal.

Sa panayam sa kanya ng ONE News nitong Marso 13, ipinaalala ni Llamas na ang dating kongresistang sina Defensor at dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Hermogenes Esperon Jr. ay kapwa kaalyado ng dating pangulo na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Pinamunuan ni Esperon ang militar sa Arroyo administration, habang naging housing czar at environment secretary naman ni Arroyo si Defensor.

Ano ang koneksiyon ni Arroyo sa mga alegasyon ng 18 dati umanong sundalo? Paliwanag ni Llamas, si Arroyo ay kilalang malapit na kaalyado—at minsan pang tinawag na mentor—ni Vice President Sara Duterte.

Pawang kritiko ni VP Sara, kung hindi man sumusuporta sa impeachment sa kanya, ang inakusahan ng kurapsiyon ng tinaguriang “18 ex-Marines.”

Para bigyang-diin ang pagiging malapit nina Arroyo at VP Sara, ipinaalala ni Llamas na ang pagbabansag ng Bise Presidente kay dating House speaker Martin Romualdez ng “tambaloslos” ay nagsimula nang alisin ni Romualdez sa puwesto si Arroyo bilang kanyang senior deputy speaker noong Mayo 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *