Nagbabala si Sen. Rodante Marcoleta na kakasuhan niya ng treason si retired Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa naging pasya ng huli noong 2011 na paliitin umano ang territorial sea ng Pilipinas sa Magallona vs. Ermita case.
“Pumayag siya [ex-SC Justice Antonio Carpio] sa argumento ng gobyerno na paliitin na lang natin ang territorial sea… I charge him treason for this,” giit ni Marcoleta.
“Lumaki nga sa palagay niya ang Exclusive Economic Zone, ipinamigay niya ‘yung 242,000 square nautical miles. Territorial sea ‘yun, ibig sabihin parte ng ating territory,” ani Marcoleta.
“‘Yung maritime rights, limited lang ‘yun, economic rights lang ‘yun. I charge him treason for this. Kailangan malaman mo na, Justice Carpio, kung nakikinig ka,” dagdag pa ng senador.
Samantala, nilinaw naman ni Carpio sa isang panayam sa ‘Balitanghali’ ng GMA News na ang treason ay mai-a-apply lamang kung nasa gitna ng digmaan ang bansa.
“Before Marcoleta can charge me with treason, dapat ang gagawin niya, i-amend niya muna ‘yung Article 114 ng Revised Penal Code… There is no crime of treason during peacetime… treason crime can be committed only during wartime,” ani Carpio ngayong Lunes, Pebrero 16.
Ipinaliwanag niya rin na ang desisyon niya sa Magallona vs. Ermita case ay para iayon umano nito ang Republic Act No. 9522 sa international maritime standards sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ulat ni Jilliane Libunao
