Idineklara ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules, Pebrero 4, na insufficient in substance ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nagsimula ang deliberations ng House Committee on Justice sa dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, Pebrero 2, at nagtapos ngayong Miyerkules, Pebrero 4.

Unang tinalakay ng komite ang sufficiency in form ng dalawang impeachment complaint nitong Lunes, Pebrero 2, na sinundan ng pagtalakay sa sufficiency in substance kahapon at ngayong araw.

Bagaman idineklara na parehong sufficient in form ang dalawang impeachment complaint laban sa Pangulo, pareho rin itong idineklarang insufficient in substance ngayong araw.

Sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre De Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Rep. Jett Nisay, 42 ang bumotong pabor sa pagdeklara sa reklamo bilang insufficient in substance, isa ang hindi pabor, at tatlo ang nag-abstain.

Sa inihaing impeachment complaint ni dating congresswoman Liza Maza at ng kanyang kasamahan na inendorso ng Makabayan bloc, pito ang bumotong pabor na ideklara itong sufficient in substance, 39 ang hindi pabor, at walang nag-abstain.

Kabilang sa grounds sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr. ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, abuse of power, at graft and corruption.

Ulat ni Jilliane Libunao