“Ang sabi ni Congressman Zaldy Co, ‘Kung papayagan ako, doon sa ifinile ninyong impeachment to become a state witness, kahit na sa Zoom…’ Ay tatayo siya na witness dito sa grupo na nag-file ng impeachment case,” saad ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor.
Handa umano ang dating kongresistang si Zaldy Co na maging “state witness” para sa ikatlong impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon kay Defensor.
Nitong Huwebes, Enero 22, inihain nina Defensor at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang ikatlong impeachment case laban kay Marcos Jr., kasunod ng naunang reklamong isinumite ng Makabayan bloc.
Samantala, patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad si Co na pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal matapos siyang patawan ng show cause order ng Senado nitong Enero 19 kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Nasasangkot din ang dating kongresista sa isyu ng diumano’y “budget insertions” at mga kickback sa maanomalyang flood control projects noong 2025.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
