‘Guilty’ ang ibinabang hatol laban sa community journalist na si Frenchie Mae Cumpio at community worker na si Marielle Domequil sa kasong financing terrorism ngayong Huwebes, Enero 22.

Bagamat naabsuwelto sa kasong illegal possession of firearms and explosives, nahaharap ngayon sina Cumpio at Domequil sa hanggang 12 taong pagkakakulong dahil sa hatol ng Tacloban Regional Trial Court (RTC), ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).

Ayon sa mga abogado ng dalawa, maghahain umano sila ng petisyon para makapagpiyansa sa natitirang kaso, gayundin ng motion for reconsideration kaugnay ng financing terrorism case.

Ang naturang kasong financing terrorism ay kaugnay sa perang natagpuan sa opisina ng Eastern Vista, isang alternative community newspaper kung saan editor-in-chief (EIC) si Cumpio, na diumano’y nagpopondo para sa mga terorista.

Matatandaang inaresto sina Cumpio at Domequil, na kapwa miyembro ng tinaguriang ‘Tacloban 5,’ sa isang raid sa Tacloban City noong Pebrero 7, 2020.

Ulat ni Ashley Nicole Ulep