Naghain na si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV kasama ang ilang miyembro ng civil society group ‘The Silent Majority’ sa Office of the Ombudsman ngayong Miyerkules, Enero 21 ng patung-patong na kaso ng plunder, graft, at malversation laban kay Vice President Sara Duterte.

“We are very confident na masasakop ito ng elements ng plunder charge… ito ay magbibigay ng very solid case against Sara Duterte… Mas malaki, ‘di hamak, ang pagnanakaw ang ginawa,” giit ni Trillanes.

Sa isang panayam sa media, iginiit ni Trillanes na ang pagsasampa ng mga kaso laban kay VP Sara ay isang paraan para mailantad umano sa publiko kung ano ang “tunay na pagkatao niya.”

“Ang primary reason kung bakit popular pa rin (si VP Sara), ay dahil hindi kilalang lubusan ng mga Pilipino ‘yung tunay na pagkatao niya, dahil talagang binabaha nila ng fake news at mga trolls nila yung social media na naging pangunahing source ng impormasyon ng mga kababayan natin,” saad ni Trillanes ngayong Miyerkules.

Kabilang sa pinagbatayan sa mga isinampang kaso laban sa Bise Presidente ay ang diumano’y kuwestiyunableng paggastos nito ng confidential funds, ang iba’t ibang anomalya sa pondo ng Department of Education (DepEd) noong nanilbihan siyang kalihim ng ahensiya, ang pagtanggap umano ng pera mula sa mga drvg lord, at mga alegasyon ni Ramil Madriaga, na nagpakilala bilang isang “bagman” ng Bise Presidente.

“Isang paraan ito na mabuksan na ‘yung mga bank accounts, kasi dito makikita ‘yung nakita na natin noon, na bilyon-bilyong piso ang laman ng pera ng accounts ni Sara Duterte. Hindi ito sabi-sabi. Hindi ito paninira,” dagdag pa ng dating senador.

Ulat ni Jilliane Libunao