Muling nahaharap sa reklamong plunder, graft, at technical malversation si Executive Secretary Ralph Recto at isa pang dating opisyal ng PhilHealth hinggil sa kontrobersyal na paglilipat ng P60 bilyong pondo nito sa National Treasury.

Sa 31-pahinang reklamong inihain ng grupo ng mga doktor, health advocates, at mga abogado sa Office of the Ombudsman ngayong Huwebes, Enero 15, nakasaad ang hiling para magsagawa ng paunang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng pananagutang kriminal, sibil, at administratibo nina Executive Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth president Emmanuel Ledesma Jr.

Giit ng grupo, malinaw ang paglabag ng paglilipat ng P60 bilyong PhilHealth funds sa Republic Act No. 7875 (National Health Insurance Act of 1995) at Republic Act No. 11223 (Universal Health Care Act).

Noong Disyembre 2025, nagsampa rin ng kahalintulad na mga kaso ang grupong Save the Philippines Coalition laban kina Recto at Ledesma.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome