Ikinokonsidera umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbibigay ng P10 milyon na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkaaresto sa negosyante na si Charlie ‘Atong’ Ang.
“Mamaya may meeting kami at magbibigay na kami ng reward at mag-a-announce kami mamayang hapon para mabigyan ng pressure talaga na i-turn over na siya sa amin. Siguro P10 million pwede na iyon,” saad ni DILG Sec. Jonvic Remulla.
Kasalukuyang wanted si Ang matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya at iba pang akusado kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“Nandito pa siya kasi noong sabi nga ng abogado noong the day before ay kasama niya pa. Pumipirma ng mga papel bago lumabas ‘yung mga warrant of arrest a few hours later. So ang tracking namin nandito pa rin siya,” saad ni Remulla sa panayam ng Dobol B TV.
Samantala, ikinokonsidera ni Remulla si Ang bilang “armed and dangerous” dahil sa mga alegasyon ng pagkakasangkot ng huli sa pagpatay sa mahigit 100 katao at sa dami ng bodyguards nito.
Ulat ni Ansherina Baes
