Pinalagan ng asawa ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral na si Engr. Cesar Cabral ang aniya’y maraming requirement na hinihingi bago mai-release ang labi ng kanyang asawa.

“Kami na, ‘yung anak ko—ako na mismo nagsasabi na asawa ko ‘yan, nanay nila ‘yan. Ba’t ano pa gusto nila i-prove?” sabi ni Cesar Cabral.

Sa panayam ng media noong Biyernes, Disyembre 19, kinumpirma ni Cesar na pumirma sila ng waiver sa pagtangging ipa-autopsy ang dating DPWH official, sinabing ang tanging nais niya at ng kanyang mga anak ay maiuwi na sa Maynila ang labi ng kanyang maybahay.

Pero sa update ng Police Regional Office Cordillera ngayong Sabado, Disyembre 20, sinabi ng pulisya na nagbago ng isip ang pamilya Cabral at pumayag nang ipa-autopsy ang dating DPWH official.

Kumpiyansa ring sinabi ni Cesar na aksidente ang nangyari sa dating undersecretary, na natagpuang walang malay nitong Huwebes ng gabi, Disyembre 28, malapit sa Bued River sa Sitio Marammal, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet, mula sa pagkakahulog umano sa Kennon Road.

Kuwento ni Cesar, nasa Baguio City ang dating DPWH official para “mag-unwind” dahil “masyadong maraming pressure na” rito ang usapin sa flood control projects scandal na kinasasangkutan ng DPWH.