Batay sa medical reports ng grupo ng mga espesyalistang itinalaga ng International Criminal Court (ICC), natukoy na “fit to participate” sa pagdinig ng confirmation of charges si dating pangulong Rodrigo Duterte, na “feigning cognitive impairments in an attempt to avoid a trial,” ayon sa Office of the Prosecutor.

“Based on the unanimous findings of the Experts’ Reports, the Chamber should conclude that Mr Duterte is capable of meaningfully exercising his procedural and fair trial rights, and that he is fit to participate in the hearing on the confirmation of charges,” saad sa 9-page observations na isinumite ng Office of the Prosecutor sa ICC Pre-Trial Chamber I.

Hiling nila, magtakda na ang Pre-Trial Chamber I ng petsa para matuloy na ang naunsyaming pagdinig sa confirmation of charges, na itinakda noong Setyembre 23.

Ganito rin ang posisyon ng Office of Public Counsel for Victims, na nagsabing wala nang balakid upang magtakda muli ng panibagong petsa para sa confirmation of charges kay Duterte kaugnay ng kinakaharap nitong crimes against humanity.

Matatandaang ipinagpaliban ang confirmation of charges hearing ni Duterte noong Setyembre makaraang igiit ng kanyang abogadong si Atty. Nicholas Kaufman na hirap na umanong makaalala ang 80-anyos na dating pangulo at hindi na rin daw makilala ang mga miyembro ng sariling pamilya.