Posibleng sampahan ng ethics case si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa diumano’y matagal nitong pagliban sa Senado at hindi pagtupad sa kanyang tungkulin bilang mambabatas, ayon kay dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
“Talagang pa-file-an na namin si Bato dela Rosa ng ethics case… ‘pag hindi siya pumapasok, pwede siyang i-expel. Sabihin na natin, initially, suspended. Pero, how long can he keep this up?” tanong ni Trillanes.
Matatandaang simula Nobyembre 11 ay hindi na dumalo si Sen. Bato sa mga sesyon ng Senado, matapos ianunsiyo ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na may arrest warrant na umano ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Ayon kay Trillanes, malinaw na may pananagutan ang isang halal na opisyal kapag patuloy na hindi pumapasok at hindi ginagampanan ang mandato ng taumbayan.
Dagdag pa niya, may matibay na dahilan para ipatupad ang parusang administratibo laban kay Sen. Bato kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.
“Maliwanag na talagang isinantabi niya ‘yung mandatong ibinigay sa kanya ng taumbayan,” sabi ni Trillanes.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
