Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maaari nang mag-avail ang Social Security System (SSS) member ng emergency loan ngayong Disyembre, kasunod ng deklarasyon ng National Emergency.

“Sa lahat ng ating mga kababayan na SSS members, mayroon akong magandang balita. Simula itong Disyembre na ito ay makakapagbigay na ang SSS ng tinatawag na ‘emergency loan,’” pahayag ni Marcos.

“Dahil habang nasa ilalim halimbawa ng national emergency ay magbibigay ng emergency loan ang SSS. Ito ay isang pautang na ang bayad ay mababa lang, 7% lang,” saad ni PBBM.

Ayon sa Pangulo, ang loan ay may pitong porsyentong interest rate at may kasama na anim na buwang moratorium, kung saan hindi kailangan magbayad ng amortization sa unang anim na buwan matapos matanggap ang loan.

Idinagdag niya na layunin nito na tugunan ang agarang pangangailangan ng mga SSS members.

Tiniyak din ni PBBM na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa SSS upang maghanap ng mas ligtas at patas na alternatibo sa kasalukuyang microloan at emergency loan programs.