Sinabi ni Atty. Raymund Palad, legal counsel ni Ramil Madriaga, na mahigit isang buwan at kalahati siyang nakipag-ugnayan sa kanyang kliyente bago tuluyang gumawa ang huli ng kanyang sinumpaang salaysay noong Nobyembre 29, 2025 na nagdiriin kay Vice President Sara Duterte, asawa nitong si Atty. Manases ‘Mans’ Carpio, at iba pang tauhan ng Office of the Vice President (OVP) sa kontrobersiya ng confidential funds ng OVP at pagtabo nila ng malaking halaga mula sa illegal drugs at Philippine offshore gaming operators (POGO).
“Last year pa sa QuadComm gusto na niyang mag-appear. May mga sulat pa siya noon, kaso nga kinapos sa oras at hindi na siya nakapag-testify,” sabi ni Atty. Raymund Palad, legal counsel ni Ramil Madriaga.
Habang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) detention center sa Bicutan, Taguig City, si Madriaga dahil sa kasong kidnapping, sinabi ni Palad na dati nang gumawa ng hakbang si Madriaga upang humarap at maihayag ang kanyang nalalaman sa House Quad Committee hearing, na noo’y nag-iimbestiga sa umano’y paglustay ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP, subalit hindi naisakatuparan dahil na rin sa kakulangan ng panahon.
“Sumulat din siya sa isang senador para sabihin ang nalalaman niya…hindi rin nabigyan ng pansin,” sabi ni Palad sa panayam ng DZMM.
Aniya pa, nagtagpo ang kanilang landas ni Madriaga matapos magtanung-tanong ang huli sa kanyang mga kasamahan sa piitan kung sino ang mairerekomenda nilang abogado para tulungan siyang maghanda ng affidavit laban kay VP Sara at mga kakutsaba nito sa milyung pisong halaga na nakolekta sa confidential funds, illegal drvgs, at POGO operations.
At dahil naging sikat si Atty. Palad matapos maabsuwelto ang kanyang dating kliyente na si Mayor Kerwin Espinosa ng Albuera, Leyte sa kasong illegal drvgs, halos lahat ng kakosa ni Madriaga ay siya ang inirekomenda.
Sinabi pa ni Palad na determinado silang paabutin sa Office of the Ombudsman ang testimonya ni Madriaga.
Bukod dito, marami pa diumanong hawak na ebidensiya si Madriaga upang pagtibayin ang kanyang testimonya laban kay VP Sara, kabilang ang mga larawan habang inihahatid niya ang bulto-bultong pera para sa kanilang mga protektor sa gobyerno.
