Dismayado umano ang mga tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela na interim release ng kampo ni Digong.

“Para sa akin, ‘yung taga-ICC ay close-minded. Kahit ano pang depensang ihain ng ating legal team, wala pa ring mangyayari dahil hindi sila nakikinig,” pahayag ng isang Diehard Duterte Supporter (DDS) sa The Hague, Netherlands.

Marami sa kanila ang nanindigang karapat-dapat umano na mabigyan ng pansamantalang kalayaan si Duterte dahil sa edad nito.

“Matanda na ’yan—80 going 81 years old. Hindi ko talaga in-expect na ganito ang mangyayari ngayong araw (Nobyembre 28),” sabi ng isang DDS.

Ayon sa isa pa nilang kasamahan, hindi nila matanggap ang desisyon dahil umaasa umano sila sa humanitarian consideration: “Maraming umiiyak dito. Parang hindi namin matanggap na ’yun talaga ang verdict nila. Kahit humanitarian reason man lang, hindi pa rin nila pinagbigyan.”

Sa kabila nito, marami pa rin ang nagpahayag ng kanilang patuloy na suporta kay Duterte.

“‘Di ako mawawalan ng pag-asa. I will continue to support our Tatay Digong,” saad ng isang tagasuporta.

“Hintayin n’yo na lang kung ano ang susunod naming gagawin. Hindi ito ang huli—meron pa kaming ikabubuga,” mariing pahayag pa ng isa.

Ulat ni Bea Tanierla