Wala na kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang kanyang pasaporte dahil isinumite na niya umano ito sa awtoridad ng Netherlands noong nag-apply siya ng asylum noong Marso, pagbubunyag niya nitong Miyerkules, Nobyembre 26.

“I surrendered my passport when I applied for asylum in March 19 of 2025. So hawak ng Dutch ang aking passport. ‘Yung ulit-ulit silang kinanselang passport… Aanhin ko yan, hindi naman ako talaga makalabas ng Europe dahil wala naman sa akin yung passport ko,” saad ni Roque.

Ito ay kasunod ng pagkansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pasaporte ni Roque, alinsunod sa kautusan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 157.

Paliwanag ni Roque, dahil nasa ilalim siya ng Dublin procedure para sa mga asylum seekers, maaari siyang ilipat sa iba’t ibang bansa sa Europe kahit wala siyang pasaporte.

Kasalukuyang nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking matapos akusahang sangkot sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga noong nakaraang taon.

Samantala, paulit-ulit nang itinanggi ni Roque ang mga paratang, at aniya’y peke at may motibong politikal umano ang mga ito.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome