May kabuuang bilang na 15,097 pulisya ang itatalaga ng Philippine National Police (PNP) para sa malawakang kilos protesta na ‘Trillion Peso March’ na gagawin sa Nobyembre 30, ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief Brig. Gen. Randulf Tuaño.
Inihayag ni Tuaño nitong Miyerkules, Nobyembre 26, na maglalabas ng 8,805 na mga kawani ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nasa 6,292 kawani naman ang ilalabas ng Special Action Force at Police Regional Offices (PRO) sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region.
Kasama na rito ang 973 pulisya na nakatalaga para sa People Power Monument at 893 mga pulisya sa EDSA Shrine.
Maglalagay din ng mga pulis sa mga lugar malalapit sa Malacañang, katulad ng Mendiola, pati rin sa House of Representatives sa Quezon City, Senado sa Pasay City, at opisina ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig City.
“Kung mapapansin niyo ‘yung deployment natin ay napakarami, aabot ng 15,000 plus. Ito ‘yung traditionally ay pinupuntahan ng mga tao kapag may rally,” ani Tuaño.
Ulat ni Jilliane Libunao
