Matapos pagdudahan ng Senate Blue Ribbon Committee sa ginanap na pagdinig nito tungkol sa flood control scam, isinumite pa rin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang testimonya ni dating Marine sergeant Orly Guteza sa reklamong plunder na inihain sa Office of the Ombudsman laban kina dating House speaker Martin Romualdez at former Ako Bicol congressman Zaldy Co ngayong Biyernes, Nobyembre 21.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na bukod sa reklamong plunder, kinasuhan din sina Romualdez at Co ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Direct Bribery dahil sa kanilang diumano’y kaugnayan sa multi-bilyong pisong flood control anomaly.
Ani, Dizon ang kanilang mga isinumiteng kahon-kahon na “referrals” sa Office of the Ombudsman ay naglalaman ng mga ebidensiya tungkol sa flood control projects na nakorner simula 2016 hanggang 2025 ng Sunwest Corporation at Hi-Tone Corporation na sinasabing pag-aari ni Co.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa Senate Blue Ribbon Committee ilang buwan ang nakararaan, sinabi ni dating Marine sergeant Orly Guteza na kabilang siya sa nagde-deliver ng male-maletang pera sa bahay nina Romualdez at Co na komisyon diumano nila sa maaanomalyang kontrata.
Sa naturang pagdinig, mismong si Sen. Rodante Marcoleta ang sumita kay Guteza dahil sa mga kulang na bahagi ng kanyang salaysay na hindi niya binasa.
Naging kontrobersiyal din ang sworn statement ni Guteza matapos pumalag ang isang abogado na hindi niya diumano lagda ang nakalagay sa dokumento na binasa ng dating sundalo na nagpakilala naman bilang security officer ni Co.
