Nasa P88,512,370.22 ang net worth ni Vice President Sara Duterte batay sa kanyang December 2024 SALN, kung saan tumaas ito ng P17.45 million mula sa dating P71.058 million sa June 2022 SALN.

Magmula nang manungkulan si Duterte bilang bise presidente noong Hunyo 30, 2022 ay nagdeklara siya ng net worth na P71,058,841 sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Batay sa ulat ng GMA News nitong Martes, Nobyembre 18, nakasaad sa SALN ni VP Sara na nasa P50,958,891 ang halaga ng mga real properties niya kasama ang kanyang asawa na si Manases Carpio at mga anak nila.

Samantala, ang kanyang personal properties ay nagkakahalaga ng P23,849,950.

Nagkaroon din ng kaunting pagtaas sa net worth ni VP Sara sa kanyang December 31, 2022 SALN kung saan ito ay nasa P71,658,841, bagaman ang kanyang mga asset ay nananatiling pareho.

Noong 2023, tumaas ang net worth ng bise presidente sa P77,508,841.

Ulat ni Jilliane Libunao