Gamit ang wikang Filipino, ibinahagi ni Sen. Robinhood Padilla ang maikli subalit makabuluhang panahon na iginugol sa kanya ng yumaong Juan Ponce Enrile na, aniya’y, nagsisilbing inspirasyon niya upang ipagpatuloy ang kanyang mungkahing baguhin ang Konstitusyon.

“Ang sabi niya sa akin: Maraming nangmamaliit sa iyo. Pero hindi kita mamaliitin…palalakasin ko pa ang loob mo,” sabi ni Padilla.

Sa ginanap na necrological service para kay Enrile sa Senado ngayong Miyerkules, Nobyembre 19, tumagos sa isipan ni Padilla ang isang hindi inaasahang pagkakataon nang bigla siyang ipatawag ni JPE sa Malacañang upang imbitahan siya sa bahay para talakayin ang kanyang mga panukalang batas.

Bagamat aminadong ikinagulat niya ito, agad namang tinanggap ni Padilla ang imbitasyon.

At sa kanyang pagdating sa bahay ni JPE, laking gulat ni Padilla nang bumulaga sa kanya ang mga paborito niyang pagkain na nakalatag sa lamesa.

At doon na siya tinanong ni Enrile kung ano ang mga panukalang batas na priyoridad niya. At sinabi ni Bino: “‘Yung panukala sa September 21 na gawing holiday po.”

Ayon kay Padilla, ito ay bilang pagkilala sa mga “unsung heroes” nang ideklara ang Martial Law noong Setyembre 21, 1971 na aniya ay pumigil sa mga komunista sa kanilang planong pataobin ang gobyerno ng noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.

Agad na sinabihan ni Enrile ang senador na pansamantalang kalimutan ang kanyang September 21 bill dahil sa posibilidad na marami siyang makakaaway.

Sa halip, pinayuhan siya ni Enrile na ipursige ang panukala sa pagbabago ng 1987 Constitution upang mabigyan na ng pagkakataon ang mga foreign investors na magmay-ari ng mga properties at business establishments sa bansa para lumakas ang ekonomiya.

Noon din binigyan ni Enrile ng katiyakan si Padilla na tutulungan siya sa kanyang pagdepensa sa kanyang Cha-Cha bill sa Senado.

“Hindi po ako nabigo kasi noong dumating ng hearing namin, siya po ang nag-iisa kong naging witness. At sa loob po ng dalawang oras, wala po siyang ipinaliwanag kung hindi ang kagandahan na papasukin natin ang ating mga foreign investors,” kuwento ni Bino.

At doon na nagsimula ang magandang pagsasamahan sa pagitan nina Enrile at Padilla, na isang beteranong politiko at isang bagitong senador.