Inihayag ni dating congressman Mike Defensor sa panayam sa ANC nitong Miyerkules, Nobyembre 19, na mistulang sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman ang mga bagong “fall guys” sa flood control scam.
“Nung una, ang fall guy is si Zaldy Co…Now, it looks like…the masterminds now would seem to be Executive Secretary Bersamin and (DBM) Secretary Amenah Pangandaman,” saad ni Defensor.
Aniya, ang unang “fall guy” ay si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co dahil ito ang itinuturong mastermind sa naturang scam, ngunit nang magsalita ito ay iginiit nitong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos diumano sa kanya na gawan ng paraan ang P100 bilyong insertion sa 2025 national budget.
Ito ay matapos ianunsyo ng Malacañang ang pagbibitiw sa puwesto nina Bersamin at Pangandaman “out of delicadeza” matapos silang idawit sa flood control scam.
Inihayag naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang privilege speech na sinabi sa kanya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo na hindi nakatanggap ng “kickback” si Pangulong Marcos mula sa P100 bilyong budget insertion na iginigiit ni Co.
Ayon kay Bernardo, may mga tao sa Malacañang na ginagamit ang pangalan ng Pangulo upang magpasok ng mga proyekto sa national budget.
Sinabi naman ni Defensor na kailangang magsalita ang dalawa at sabihin kung ano ang talagang nangyari sa kontrobersiyal na pondo upang malaman kung sila ay inutusan lamang ng Pangulo tulad ng sinabi ni Co o kung ginamit lamang nila ang pangalan ni PBBM para maisakatuparan ang budget insertion.
Ulat ni Ansherina Baes
