Sa appeal na isinumite ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber noong Biyernes, Nobyembre 14, hiniling nila ang “immediate” at “unconditional release” ni Digong.

“The Defence respectfully requests the Appeals Chamber to…Find that there exists no legal basis for the continuation of International Criminal Court proceedings against Mr Rodrigo Roa Duterte; and Order his immediate and unconditional release,” apela ng mga abogado ni Duterte.

Muli nilang hinamon ang jurisdiction ng ICC sa kaso ng war on drugs na ipinatupad ni Digong sa kanyang administrasyon at iginiit na “legally unsound” ang position ng Pre-Trial Chamber dahil sa mali umanong interpretasyon sa probisyon sa Rome Statute.

Idinagdag pa nila na bagamat mayroong karapatan ang Prosecution na magbukas ng preliminary investigation sa isang State, hindi umano ito dapat mangibabaw sa desisyon ng naturang State na umalis sa Rome Statue.

Binanggit din ng kampo ni Digong na maging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay sinasabi na: “I do not recognize the jurisdiction of the ICC in the Philippines. I consider this as a threat to our sovereignty.”

Dahil dito, hiniling nila sa Appeals Chamber na bawiin ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber tungkol sa kanilang jurisdiction sa kaso ni Digong, ideklara nito na walang legal basis para sa pagpapatuloy ng proceeding laban sa dating pangulo, at iutos ang kanyang “immediate and unconditional release.”

Ulat ni Ansherina Baes