Inilabas ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, sa ikalawang bahagi ng kanyang video statement noong Sabado, Nobyembre 15, ang mga litrato ng male-maletang pera na ipinadala umano nila para kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating House speaker Martin Romualdez.
“Ako at akin lang mga tao—sila Paul Estrada, Martin Ticsay, at aking mga security—ang nag-deliver sa bahay nina Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez sa North Forbes Park, South Forbes Park, hanggang sa Malacañang,” ani Co sa kanyang video appearance.
Ipinakita ni Co ang mga larawan ng mga pag-deliver ng mga pera ngayong 2025 na may petsang Enero 11, Marso 11, at Mayo 29, maging ang mga litrato ng pagde-deliver noong 2024 ,na may petsang Enero 8, Mayo 1 at 14, Hunyo 3, 14, 27, Agosto 16, Oktubre 2, at Nobyembre 29.
Sinabi rin ni Co na totoo ang sinabi ng ‘surprise witness’ at retired Marine soldier na si Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 25 na nag-deliver ito ng pera sa Forbes Park at sa Malacañang.
“Totoo po ‘yung sinasabi ni Orly Guteza na nag-deliver siya sa Forbes Park. Totoo din po ang sinasabi na nag-deliver siya sa Malacañang nung siya ay nasa Senado,” dagdag ni Co.
Ulat ni Ansherina Baes
