Ipinaliwanag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi pa rin maaaring kumilos ang mga awtoridad upang arestuhin si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa base lamang sa “unofficial copy” ng umano’y warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) na pinaghahawakan ng kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

“As far as we are concerned it is a non-actionable document. Wala pong puwedeng gawin sa dokumentong ‘yun,” saad ni Remulla.

“Wala po kaming nakukuhang ICC document na dumaan sa Interpol o Department of Justice (DOJ),” ani Secretary Jonvic sa panayam ng DZMM.

Paliwanag ng DILG secretary, walang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ang maaaring dumiretso sa ICC dahil kumalas na ang gobyerno ng Pilipinas sa Roman Stature noong pang 2018 sa kasagsagan ng imbestigasyon sa “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Pero nang tanungin ng mga program hosts na sina Alvin Echico at Doris Bigornia kung totoo ang pinagsasabi ng kanyang Kuya Boying na may arrest warrant na laban kay Sen. Bato, sabi ni Jonvic: “Hindi natin alam kung tsismis o hindi…sabi nga n’ya mula sa “credible source. Pero may official channels po iyan.”