Sa ginanap na regular session sa Senado nitong Martes, Nobyembre 11, inihayag ni Sen. Jinggoy Estrada na nakatanggap siya ng mapagkakatiwalaang impormasyon na kasalukuyang nasa malubhang kalagayan ang dating lider ng Senado at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.

“Our former colleague, former Senate President Juan Ponce Enrile, is currently in the intensive care unit of an undisclosed hospital suffering from pneumonia,” sabi ni Estrada.

“I heard from a very, very reliable source that he has slim chances of surviving,” dagdag ni Sen. Jinggoy.

Dahil dito, nag-alay ng maikli subalit mataimtim na dasal ang mga senador, sa pamumuno ni Sen. Joel Villanueva, sa agarang paggaling ni JPE.

Huling nasilayan ng publiko ang 101-anyos na beteranong politiko nang siya ay dumalo sa pamamagitan ng Zoom conference sa promulgation ng kanyang kaso sa Sandiganbayan Fifth Division noong Oktubre 24, 2025 kung saan ibinasura nito ang kasong graft na inihain laban kay JPE tungkol sa multi-bilyong pisong anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).