Inihayag ni Sen. Bam Aquino nitong Martes, Nobyembre 4, na naglagay sila ng penalty para sa mga ahensya na hindi magsasapubliko ng mga dokumento na kailangang malaman o makita ng taumbayan.

“Naglagay po tayo ng penalty, kung may mga dokumento na hindi po na-publish ng ahensya sa kanilang website…This is the first time in history na maglalagay tayo ng criminal offense sa mga hindi magshe-share ng data na nakalagay sa ating batas,” saad ni Aquino.

Kaugnay ito sa kanilang pagtalakay sa Senate Bill No. 1330, ang The Philippine National Budget Blockchain Act o ang “CADENA Act” na nagmamandato sa mga ahensya ng bansa na isapubliko ang mga dokumento na may kinalaman sa budget.

Ayon kay Aquino, papatawan ng administrative penalty ang responsible officer ng ahensyang hindi magsasapubliko ng mga dokumento sa loob ng pitong araw.

Criminal offense naman ang ipapataw sa mga responsible officers na hindi maglalabas ng mga dokumento tulad ng contracts, bill of materials, at iba pa sa loob ng 30 araw.

“If found that what was hidden na kontrata is fraudulent then the responsible officer, for sharing that data, can be charged as a co-conspirators of the groups who are involved in the fraudulent activity,” dagdag ni Aquino.

Ulat ni Ansherina Baes