Nakatakdang ipatupad sa Abril 1, 2026 ang joint child custody system para sa mga magulang na nagdi-divorce, matapos aprubahan ng Japanese government ang isang revised Civil Code kamakailan.
Sa joint child custody system, puwedeng magkasundo ang mga magulang kung sabay nilang aalagaan ang anak o hindi, at kung hindi sila magkasundo, ang korte ang pipili lalo na kung may kaso ng pananakit o pang-aabuso.
Samantala, kung joint custody ang napili o napagpasyahan ng korte, kailangan na parehong papayag ang mga maghihiwalay na magulang sa paglipat ng tirahan o pag-aaral ng kanilang anak.
Ipatutupad din sa parehong panahon ang statutory child support system, kung saan awtomatikong may nakatakdang buwanang sustento para sa mga anak kung walang napagkasunduang suporta ang mga magulang kapag sila ay naghiwalay.
Gayundin, bibigyan din ng karapatan ang magulang na kasama ang anak na singilin ang pera o ari-arian ng dating asawa na hindi nagbibigay ng sustento, sa halagang hanggang 80,000 yen (P30,490) kada bata bawat buwan.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
