Ibinahagi ni Commodore Jay Tarriela, Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) nitong Lunes, Oktubre 13, na muling nakaranas ng pangha-harass ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels sa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal kung saan umano sila nagpapadala ng tulong tulad ng fuel subsidies, pagkain, at yelo.

“Philippine government vessels encountered dangerous maneuvers and blocking actions from 11 China Coast Guard (CCG) ships and 11 Chinese Maritime Militia vessels, one (1) PLA-N helicopter, and three (3) PLA-N vessels, delaying the delivery process,” saad ni Tarriela.

Ayon kay Tarriela, nakaranas ang BRP Teresa Magbanua, BRP Cape San Agustin kasama ang M/V Mamalakaya at anim na BFAR patrol boats ng “dangerous maneuvers” mula sa 11 China Coast Guard (CCG) ships, 11 Chinese Maritime Militia vessels, isang People’s Liberation Army (PLA) Navy helicopter, at tatlong PLA-N vessels sa Bajo de Masinloc.

Hinarangan din ng mga ito ang barko ng PCG at BFAR dahilan upang ma-delay ang kanilang paghahatid ng tulong sa mga lokal na mangingisda.

Gayundin ang naranasan ng mga Philippine vessels sa Escoda Shoal mula sa 10 CCG vessels, 10 Chinese Maritime Militia vessels, isang PLA-N helicopter, dalawang PLA-N vessels, at isang high-speed response boat kung saan may documented instance umano na in-active ng CCG vessels ang kanilang water cannon upang takutin ang mga mangingisda.

Sa kabila ng pangha-har4ss na naranasan ay hindi nagpatinag ang mga Philippine vessels at natapos ang kanilang misyon na tulungan ang mga mangingisda bandang 7:00 ng gabi nitong Lunes.

Samantala, noong Linggo, Oktubre 12, sinadyang targetin ng water cannon ng CCG vessel, na may bow number 21559, ang BRP Datu Pagbuaya bago “deliberately” na binangga ang stern nito “causing minor structural damage but no injuries to the crew.”

Ulat ni Ansherina Baes