Lumabas na aabot sa 50 porsyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat managot si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nangyaring pagpatay sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon, ayon sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).

Naitala sa isinagawang survey ng SWS noong Setyembre 24 hanggang 30, na 50 porsyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na dapat managot si Digong sa mga nangyaring pagpatay sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon, habang 32 porsyento ang tumutol.

Nasa 15 porsyento naman ang naitalang undecided, at apat na porsyento ang nagsabi na kulang ang kaalaman nila hinggil sa isyu para magbigay ng opinyon.

Ipinakita rin sa survey results ang mga pangkat ng edad na sumang-ayon: mga nasa edad na 55 pataas ang pinakamaraming naitalang sang-ayon sa pagpapanagot kay Digong (62 porsyento), na sinundan ng mga nasa 45-54 taong gulang (52 porsyento), millennials na edad 35-44 (45 porsyento), at mga Gen Z na 18-24 taong gulang (43 porsyento).

Lumabas din na ang panawagan para sa pagpapanagot kay Digong ay pinakamataas sa Visayas (54 porsyento), Metro Manila na may 53 porsyento, na sinundan ng Balance Luzon (52 porsyento), habang ang Davao – balwarte ng mga Duterte – ay nasa 39 porsyento.

Kaugnay rito, naglabas na ng desisyon ang Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) na tinatanggihan ang nauna at ‘renewed’ interim release request para sa dating pangulo.

Ulat ni Jilliane Libunao