Inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa press conference noong Lunes, Oktubre 6, na plano nila ni Committee on Finance chairman Sherwin Gatchalian na alisin ang unprogrammed funds sa mga susunod na budget deliberations.
“I have discussed this with our chairman of Committee on Finance, we will, as much as possible, (have) 100 percent no unprogrammed funds,” saad ni Sotto.
Ito ay upang maiwasan umano ang insertions sa unprogrammed funds sa national budget tulad ng nangyari sa 2025 national budget kung saan, aniya: “Biglang ‘yung unprogrammed hindi mo alam sino naglagay, saan nanggaling, sino’ng gumamit.”
Sinabi rin ni Sotto na kahit ano’ng ganda umano ng budget insertion ay hindi dapat ito tino-tolerate.
Importante umano na naka-record ang lahat ng proyektong inililista sa national budget upang malaman kung sino ang nag-propose nito at kung saan manggagaling ang pambayad dito.
Ulat ni Ansherina Baes
