Inamin ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III na bumaba ang tiwala ng publiko sa House of Representatives, at hinikayat ang mga kapwa mambabatas na magsikap para manumbalik ito.

“Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Pero ito rin ay paalala na mas kailangan nating pagbutihin ang ating trabaho at ibalik ang tiwalang iyon sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod,” sabi ni Speaker Dy.

Sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony ng Kamara noong Lunes, Oktubre 6, kinikilala ni Dy na nasa “difficult” na sitwasyon ngayon ang Kongreso, ngunit dapat umano itong magsilbing paalala sa lahat na lalo pang pag-ibayuhin ang trabaho upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa institusyon.

“Alam kong hindi madali ang sitwasyon ng Kongreso sa panahong ito. Mabigat ang hamon sa ating institusyon at maging sa bawat isa sa atin,” sabi ni Speaker Dy.

“Sa kabila ng lahat, patuloy kayong naglilingkod nang may malasakit at katapatan. Ang bawat dokumentong inyong inaayos, ang bawat pintuang inyong binabantayan, at ang bawat lugar na inyong pinananatiling malinis — lahat iyan ay may mahalagang bahagi sa ating gawain,” dagdag niya.

Inaasahang aaprubahan ng Kamara ang 2026 House General Appropriations Bill (GAB) sa ikalawang pagbasa ngayong linggo at sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Oktubre 13.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome