Pinayuhan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na lumantad at ihayag ang kanyang nalalaman tungkol sa mga diumano’y budget insertions na inuugnay sa multi-bilyong pisong flood control anomalies.
“Kung nababanggit ang kanyang pangalan, definitely dapat niya po itong sagutin dahil kung hindi niya po ito masasagot at iiwasan niya, lalabas lamang po siyang guilty,” pahayag ni Castro.
“So, mas mainam lamang po na maipaliwanag niya ang kanyang side,” sabi ni Castro sa ginanap na press conference sa Malacañang ngayong Martes, Setyembre 30.
Ito ay matapos idiin si Co, na dating chairman ng House Committee on Appropriations, na nasa likod ng kuwestiyunableng budget appropriations na ginamit diumano sa ‘ghost’ flood control projects sa pamamagitan ng kutsabahan sa pagitan ng mga tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang mambabatas.
“Hindi niya po ito matatakbuhan. So, mas maganda po dito, kung siya man po ay masasampahan ng kaso, ipaglaban na lang niya ang kanyang karapatan at ipaglaban ang katotohanan na naaayon sa kanyang mga ebidensya,” saad ni Atty. Claire.
Una nang inamin ni Co na siya ay nasa ibang bansa upang magpagaling sa kanyang karamdaman. Kasabay ng deadline na itinakda ng liderato ng Kamara kahapon upang siya ay magsumite ng reaksiyon sa reklamo na inihain laban sa kanya sa House Ethics Committee ni Navotas Rep. Toby Tiangco, nag-resign si Co bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Hiniling na rin ng gobyerno sa International Criminal Police Organization (Interpol) na isailalim si Co sa “Blue Notice” upang matunton ang kanyang kinaroroonan sa ibang bansa.
