Si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, na idinawit sa flood control projects sa isyu ng “conflict of interest,” ay itinalaga sa puwesto ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Enero 2022 at magtatapos ang kanyang termino sa Pebrero 2027.
Nalagay sa “hot seat” si COA Commissioner Mario Lipana sa ginanap na budget hearing para sa ahensiya ng House Committee on Appropriations, nang biglang mabanggit ng ilang kongresista ang pangalan ng kanyang misis na si Marilou “Malou” Laurio, na diumano’y president at general manager ng Olympus Mining and Builders Group Philippines, Corp.
Sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba sa pagdinig noong Huwebes, Setyembre 11, na nadadawit ang pangalan ni Commissioner Mario Lipana sa mainit na isyu ng flood control project scam dahil sa “conflict of interest.”
Lumabas din sa imbestigasyon na umabot sa 11 flood control contracts na nagkakahalaga ng P1.012 bilyon ang nakuha ng Olympus Mining sa Bulacan noong 2023 hanggang 2025, ayon sa Project and Contract Management Application Web ng DPWH.
Ilan sa mga kontrata ng Olympus Mining ay joint ventures sa Le Bron Construction.
Sinubukan din ni Laurio na tumakbo sa pagkakongresista bilang first nominee ng Vendors party-list group noong May 2025 midterm elections subalit hindi ito nakakuha ng sapat na boto para maupo sa Kongreso.
