Hindi naniniwala si House Infrastructure Committee chairperson at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na ang mga pangalang nakalista umano sa sworn statement ng mag-asawang Discaya lamang ang sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.

“Wala hong maniniwala na ang listahan n’yo po ng mga pangalan ay hanggang 2022 lang,” saad ni Ridon.

Nakakapagtaka umano na sa kabila ng pagiging isa sa pinakamalalaking kontratista ng mga Discaya sa ilalim ng mga administrasyon nina dating pangulong Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte ay wala umanong kahit isang senador na sangkot sa mga maanomalyang proyekto.

“Wala hong maniniwala na ang listahan n’yo po ng mga pangalan ay hanggang 2022 lang. So, my question to you, and maybe this is the question of Congresswoman De Lima, ano pa po, sino pa ho ‘yung mga pangalan na dapat pong malaman ng bayan,” tanong ni Ridon kay Pacifico “Curlee” Discaya.

Ipinaliwanag naman ni Discaya na inilista lang niya ang mga opisyal ng gobyerno at Department of Public Works and Highways (DPWH) na inabutan nila ng pera.

Ulat ni Ansherina Baes