Habang inihahanda ang isang independent commission para sa mas malalim na imbestigasyon sa umano’y multi-bilyong pisong katiwalian sa mga flood control projects, malaya pa rin umanong magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Kongreso hinggil sa isyu, ayon sa Malacañang.

Sa budget hearing ng Office of the President (OP) nitong Lunes, Setyembre 8, kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na gumagawa na ang Malacañang ng executive order (EO) para sa pagsasagawa ng independent probe sa flood control project scam.

Aniya, layunin nitong tuparin ang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siyasatin ang korapsyon sa mga infrastructure projects.

Gayunpaman, nilinaw ni Bersamin na hindi umano hahadlangan ng Malacañang ang Kongreso kung nais nitong ipagpatuloy ang sariling imbestigasyon.

“And if it becomes your privilege to look at it in the same way and maybe pass a law or laws regarding the investigation of these anomalies, we will not be a hindrance there,” saad ni Bersamin.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome