Sa isang sinumpaang salaysay na kanyang binasa sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes, Setyembre 8, naghayag ng kahandaan ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na maging state witness upang mailabas ang kanilang nalalaman tungkol sa malawakang katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno na kinasasangkutan diumano ng ilang opisyal ng Department of Public Work and Highways (DPWH) at government officials.
“Handa po kaming tumestigo na walang pilit at kusang loob bilang state witness at sabihin ang lahat ng nangyayaring katiwalian ng Kamara, DPWH, at iba pang kawani ng gobyerno,” sabi ni Curlee Discaya.
Kasama ang kanyang maybahay na si Sarah Discaya, pinangalanan nila ang mga kongresista na diumano’y sangkot sa mga maanomalyang proyekto na ipinatupad ng St. Gerrard Construction at iba pang kumpanya ng mag-asawa.
Ibinunyag din ng mga Discaya ang porsiyento na tinatabo ng mga opisyal ng DPWH at kongresista sa tuwing sila ay magpapatupad ng mga proyekto.
Dahil dito, humihingi ng tulong ang mag-asawa hindi lamang sa Senate Blue Ribbon Committee ngunit maging kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa proteksiyon ng kanilang pamilya.
