Tatlo sa 15 contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nabigyan ng flood control projects ang may umano’y kontribusyon sa ilang kandidatong tumakbo noong 2022 elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, ito ang natuklasan ng poll body habang naghahanda itong magsumite sa House Committee on Appropriations ng listahan ng 31 contractors na posibleng nagbigay ng donasyon sa mga kandidato noong 2022 elections.

Sinabi ni Garcia na makikipag-ugnayan din ang Comelec sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para matukoy kung ang mga nasabing contractors ay may hinawakang kontrata sa pamahalaan noong nagbigay ng donasyon bago at pagkatapos ng halalan.

Nagpaalala rin si Garcia na mahigpit na ipinagbabawal sa mga contractors ng pamahalaan ang pagbibigay ng pondo sa mga kandidato dahil ito ay paglabag sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code.

“Puwedeng magbigay ng donasyon kung hindi sila public works contractor. Pero kung public works contractor sila, natural man o juridical person, maaari silang managot,” paliwanag ni Garcia.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome