Kasalukuyang mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tuluy-tuloy na presensya ng 20 Chinese maritime militia vessels at apat na China Coast Guard (CCG) ships sa paligid ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Batay sa maritime domain awareness (MDA) monitoring, ipinaliwanag ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea, na bagama’t nananatili ang presensya ng China sa paligid ng Ayungin Shoal, hindi umano makalapit ang kanilang mas malalaking barko sa BRP Sierra Madre, na nagsisilbing naval outpost ng Pilipinas sa lugar.
“They would maintain a distance of approximately four to six miles while the smaller ones would usually come closer,” ani Trinidad sa press briefing sa Camp Aguinaldo noong Martes, Setyembre 2.
Noong Agosto 20, iniulat ng AFP na mas pinalakas ng Chinese maritime forces ang presensya at aktibidad nito sa Ayungin Shoal, kung saan na-monitor ang 25 barko at bangka ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese militia, at dalawang air assets ng People’s Liberation Army (PLA) Navy.
Samantala, dalawang rubber boats umano ng Pilipinas ang humarang sa CCG rigid hull inflatable boat (RHIB) na nagtangkang lumapit sa BRP Sierra Madre, habang isang Chinese militia vessel naman ang nagtanim ng lambat sa timog-silangang bahagi ng shoal.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
