Inihayag ni Vice President Sara Duterte noong Lunes, Setyembre 1, na ipinagbawal na ng International Criminal Court (ICC) sa mga bisita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang mga kaganapan sa kanilang pagbisita sa kanyang ama sa detention facility sa The Hague, Netherlands.
“So, from now on, bawal ikuwento kung ano ‘yung mga nangyari sa loob at ano ‘yung mga pinag-usapan sa loob,” sinabi ni VP Sara.
Aniya, isa ito umano sa mga kondisyon ng ICC detention facility na kailangang sundin para mabisita nila si Digong.
“I can only say na [former] president Duterte is still alive. ‘Yun lang po, hanggang doon lang po kasi bawal po magbigay ng mga information na pinag-usapan sa loob,” paliwanag ni VP Sara sa isang panayam ng dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque.
Ito ay nangangahulugang limitadong impormasyon na lamang ang maibabahagi ng pamilya Duterte tungkol sa mga napag-usapan nila ni Digong.
Samantala, nakatakdang ganapin ang confirmation of charges hearing sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Duterte sa international court sa darating na Setyembre 23.
Ulat ni Jilliane Libunao
