Sa panayam sa kanya ni Amy Pamintuan sa “Truth on the Line” ng Philippine Star, sinabi ng political analyst na si Ronald Llamas na nakadepende umano ang paghahain ng ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa resulta ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.
“Kung ito ay magpo-prosper according to the objectives of the government then ibig sabihin buhay pa ‘yung impeachment, hindi ka pa lindak, hindi ka pa unpopular,” saad ni Llamas.
Ayon kay Llamas, kung magpo-prosper umano ang imbestigasyon nang naaayon sa objectives ng gobyerno ay maaari pang maghain ng ikalawang impeachment complaint.
Subalit kung wala umanong mangyayari ay hindi na umano magsa-succeed ang second impeachment laban kay VP Sara.
“Halimbawa, kung sasabog sa mukha ng Presidente ang kanyang mga sinimulan, na anti-corruption ay mahihirapan na ‘yung second impeachment pero kung magagawa niya ito to its logical conclusion, may makakasuhan, tataas ang kanyang ratings, hindi mauubos ‘yung kanyang political support sa mga congressman saka senador then pwede pa ang second impeachment,” saad ni Llamas.
“At ‘yung mga bumoto dito sa remand, archiving, pwede magbago ang boto niyan. ‘Pag halimbawa lumabas na ‘oh meron pa lang nag-contribute na mga drvg lords, POGO lords sa Vice President’ ano’ng itsura nila kung hindi sila boboto for impeachment? So depende ‘yan dito sa mga mangyayari,” dagdag niya.
Ulat ni Ansherina Baes
