Sa kanyang privilege speech sa regular session ng Senado noong Miyerkules, Agosto 27, naglabas ng mga ebidensiya si Sen. Risa Hontiveros na nagpapatunay na ang “Joseph Sy” na may bitbit na Philippine passport nang damputin ng Bureau of Immigration (BI) sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Agosto 21 ay si “Chen Zhong Zhen” na isang Chinese national.
“Mismong ang immigration ang nagsabi na ‘yung mga fingerprints sa diumano’y Philippine passport ni Joseph Sy ay tugma, kapareho ng fingerprints ng isang Chinese national na nagngangalang ‘Chen Zhong Zhen,’” sabi ni Hontiveros.
Sa pamamagitan ng Powerpoint presentation, ipinakita ni Hontiveros ang mga fingerprints ni Sy sa kanyang fake Philippine passport na diumano’y nag-match sa ginawang pagsusuri ng mga eksperto sa fingerprints sa Alien Certificate of Registration Identification (ACRI) card na nagpapatunay na siya ay isang Chinese citizen.
Aniya, ang naturang ACRI, kung saan nakalagay rin ang kanyang fingerprints, ay patunay na nag-apply si Sy ng amnesty sa pamamagitan ng Republic Act 7919 o Alien Social Integration Act na nagkaloob ng amnesty sa mga dayuhang pumasok sa Pilipinas bago ang taong 1992.
“Match na match ito sa fingerprints n’ya sa (Philippine) passport niya bilang si ‘Joseph Sy.’ Kumpirmado ‘yan, hindi haka-haka. Hindi gawa ng AI (artificial intelligence),” giit ng senador.
Si Sy ay chairman ng Philippine Nickel Industry Association (PNIA), kung saan siya ang nakaupong chairman. Nananawagan ang PNIA sa gobyerno na palayain si Sy dahil, anila, ito ay lehitimong mamamayan ng Pilipinas.
Bukod sa pananagutan sa posibleng paglabag sa immigration laws ng Pilipinas, nais ding malaman ni Hontiveros at iba pang senador kung sangkot si Sy sa espionage activities para sa interes ng People’s Republic of China.
