Sinabi ni ICC-accredited lawyer Joel Butuyan na may pagkakataon pang makahabol ang mga biktima ng war on dr*gs kahit nagsimula na ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity.
“Dahil ang main proceedings for the victims to really participate ay ‘yung tinatawag na reparation stage. Ito ‘yung na-convict na ‘yung akusado and then pag-uusapan na ‘yung danyos na ia-award sa mga biktima,” paliwanag ni Butuyan.
Aniya, hindi hadlang ang kasalukuyang pag-usad ng kaso para makapaghain pa ang iba pang biktima ng dr*g war noong Duterte administration.
Batay sa datos, may 303 aplikanteng nais lumahok sa pre-trial proceedings laban kay Duterte na hinati sa tatlong grupo: A, B, at C.
Ayon pa kay Atty. Butuyan, sa tatlong grupo, ang Group A at B ang may mas malaking posibilidad na tanggapin ng ICC.
“Ito ‘yung mga mas may kumpiyansa, ‘yung VPRS (Victims Participation and Reparations Section) na ma-qualify. Pero ang final decision ay ‘yung pre-trial chamber,” sabi pa ng abogado.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
