Naisumite na ng Registry ng International Criminal Court (ICC) sa Pre-Trial Chamber 1 ang applications ng mga biktima sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na isang “significant procedural milestone” sa pagkilos ng international tribunal sa kaso ng huli.

“The report on these applications is transmitted, under separate cover, to the Chamber and the parties,” saad sa dokumentong isinumite ng Registry sa ICC Pre-Trial Chamber 1.

Nagmula umano ang applications, na classified bilang Group C, sa mga indibidwal na humihiling na pormal na kilalanin bilang biktima sa kaso at mag-participate sa proceedings, at na-assess na ng Victims Participation and Reparations Section ng Registry.

Binigyan din ng Registry ang Office of the Prosecutor at defense team ni Digong ng kopya ng dokumento na pumoprotekta sa pagkakakilanlan ng mga applicants.

Samantala, nakatakdang humarap si Digong sa Pre-Trial Chamber 1 para sa kanyang confirmation of charges hearing sa kasong crimes against humanity na gaganapin sa Setyembre 23.

Ulat ni Ansherina Baes