Isang hot issue ngayon ang naging panayam ng media personalities na sina Julius Babao at Korina Sanchez sa private contractor na si Sarah Discaya tungkol sa diumano’y “rags-to-riches” life story nito na naging kontrobersiyal matapos pumutok ang isyu sa bilyung halagang anomalya sa mga flood control projects sa bansa.

“Itong dalawang hosts nag-interview du’n sa isang contractor. Ang puntong nakikita ko eh ipino-promote ‘yung contractor,” sabi ni Vergel Santos, member ng board of trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility.

“‘Yun ibang nag-i-interview kasi ‘yung mga ini-interview ay either may alam, o maaaring may kinalaman, o maaaring sangkot sa mga usaping nasagap,” paliwanag ni Santos sa panayam sa programang “Facts First” ni Christian Esguerra noong Biyernes, Agosto 22.

Kabilang sa mga kumpanyang pag-aari ni Discaya ay Alpha and Omega Gen. Contractor & Development Corp. na kabilang sa 15 top contractors na kumorner ng 20 porsiyento ng flood projects sa bansa kung saan karamihan ay sinasabi na palpak, overpriced o ‘ghost’ o ‘guni-guing’ proyekto.

Una nang sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto, na naging katunggali ni Discaya sa mayoralty race noong May 2025 elections, na posibleng tumanggap sina Korina at Julius ng P10 milyon para sa interview sa kontratista na diumano’y sangkot sa katiwalian sa mga government projects.

“Ang tanong ko sa sarili ko – bakit pa ipini-feature ito ng mga ito?” sinabi ni Santos kay Esguerra na isa rin sa nagduda sa intensiyon ng dalawang beteranong broadcasters.