Sa panayam ng media ngayong Miyerkules, Agosto 20, hindi na rin napigilan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ihayag ang kanyang galit sa mga kontratistang sangkot sa mga sub-standard flood control projects na unti-unti lang lumalabas ang mga detalye kung paano nila ginatasan diumano ang mga multi-bilyong proyekto.

“For the big ones, I am thinking very hard kung pipilahan natin sila ng economic sabotage,” sabi ni Marcos.

Partikular na ikinagalit ni PBBM ang P55-milyong river wall project sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan, na hindi pa rin naitatayo bagama’t nabayaran na ang kontratista.

Sa kabila nito, sinabi pa ng Punong Ehekutibo na minarkahan na ring “completed” ang river wall project ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

“Walang ginawa kahit isang araw, hindi nagtrabaho. Kahit puntahan niyo, wala kayong makikita na kahit ano,” anang Pangulo sa panayam ng ABS-CBN.