Nilinaw ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na ilang beses umang binigyan ng pagkakataon si Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang kuwestiyunableng paggastos niya sa confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) ngunit hindi umano niya ito sinagot.
“Maka-ilang beses po natin sila nainimbitahan, at binigyan ng pagkakataon na maipaliwanag itong mga bagay-bagay…subalit ito po ay [hindi] po nila in-address o sinagot ng tahasan,” saad ni Chua.
Ito ay matapos sabihin ng Korte Suprema, bilang bahagi ng kanilang desisyon kamakailan na “unconstitutional” ang inihaing Articles of Impeachment laban kay VP Sara, na dapat mabigyan umano ng pagkakataon ang impeachable officer na madinig ang mga sakdal laban sa kanya na nakasaad sa Articles of Impeachment bago ito isumite sa Senado, kahit inendorso na ito ng mga miyembro ng Kamara.
Bagaman nagkaroon ng ilang pagdinig ang Kamara tungkol sa diumano’y fund misuse ni VP Sara, hindi umano sumagot nang malinaw ang bise presidente, ayon kay Chua sa panayam sa DZMM Teleradyo ngayong Lunes, Hulyo 28.
Ito rin ang inihayag ng kongresista noong Hulyo 10, bilang tugon sa sinabi ni VP Sara na sasagutin niya umano sa impeachment trial ang mga katanungan tungkol sa confidential funds.
“Sana noong committee hearing, pinaliwanag na nila at hindi na humaba ng ganito ‘yung issue tungkol sa confidential fund,” saad ni Chua.
Ulat ni Jilliane Libunao
