Naniniwala si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na kung sakaling mailabas ang nilalaman ng bank records ni Vice President Sara Duterte ay diumano’y magiging “game changer” ito sa impeachment trial laban sa bise presidente.
“Ito ‘yung pinaka-controversial issue or articles doon sa impeachment, ito ‘yung kumbaga game changer. I believe pagka-nailabas ito, magugulantang lalo na ‘yung mga moderates… ito ‘yung labanan ng impeachment eh,” saad ni Trillanes.
Ayon kay Trillanes sa pangalawang part ng special episode ng “Pilipinas 360” na inilabas noong Hulyo 12, para sa mga “moderates,” na inilarawan niya na “bukas pa ang pag-iisip,” ay magugulantang umano sila lalo kapag naipakita ang bank records ng bise presidente kaugnay sa mga alegasyon ng kuwestiyunableng paggastos niya ng confidential at intelligence funds.
Ngunit para naman sa mga “hardcore Duterte followers” ay hindi na umano ito magiging dahilan para magbago pa ang isip nila, ani Trillanes, “they will always find a reason to explain everything and justify kung bakit ginawa ‘yon.”
Samantala, una nang nasabi ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na nasa bank records umano ang susi para mapatunayan kung totoo o hindi ang mga paratang laban kay VP Sara: “pinakaimportante, ‘yung pag-subpoena ng bank records. ‘Yun ang pinaka-importante, doon maglalabanan.”
Ulat ni Jilliane Libunao
