Bukas ang kapulisan sa mga kritisismo ni Vice President Sara Duterte, na makatutulong umano para mapabuti pa lalo ang kanilang serbisyo sa publiko, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III.

“I express my gratitude to her for her criticisms of our operations. We always want those ideas and for that matter, we welcome the ideas of the other Filipinos and the purpose of this is to ensure fast and improved delivery of police services,” saad ni Torre.

Ito ay kasunod ng mga ulat na pinuna umano ni VP Sara ang pamunuan ng PNP dahil sa pagtutok ng huli sa mga “pulis sa kanto” o police visibility sa halip na gamitin umano ang makabagong teknolohiya sa pagsugpo ng krimen.

Binigyang-diin naman ni Torre ang plano ng PNP na ipatupad ang five-minute police response time sa buong bansa, na kinakailangan umano ng mas maraming pulis sa lansangan.

Hinimok din ni Torre ang publiko na imbes na maghanap ng pulis sa mga istasyon, ay tumawag na lang sa 911 para sa agarang tulong.

Matatandaang kasabay ng five-minute police response time, inilunsad ng PNP ang centralized 911 emergency hotline.

Nilinaw ni Torre na hindi kinakalimutan ng kapulisan ang paggamit ng teknolohiya at patuloy umano itong bahagi ng kanilang istratehiya sa crime prevention at paghuli sa mga kriminal.

Ulat ni Bea Tanierla