Sa press conference noong Lunes, Hunyo 30, pinabulaanan ni Sen. Risa Hontiveros ang mga akusasyon sa kanya ni Michael Maurilio, alyas “Rene,” witness sa kaso ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy, sa kumakalat na video.

“‘Yung inaakusa nila na pagbabayad at pagtatanim ng witness mukhang sila ang gumagawa. So, sino talaga ang may modus?” saad ni Hontiveros.

Ibinunyag ng senador na unang nag-email sa kanya ni alyas “Rene” noong Disyembre 14, 2023 kung saan inamin niya na umalis siya sa KOJC dahil umano sa pang-aabuso at pananakit na naranasan niya.

“Siya ang una at paulit-ulit na lumapit. He freely and voluntarily offered his testimony and assistance,” saad ni Sen. Hontiveros.

Nilinaw rin ng senador na hindi niya inutusan si Rene na “idamay” sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte dahil, aniya, sa unang salaysay pa lamang ni Rene ay binanggit na niyang minsan ay bumibisita ang mag-amang Duterte sa KOJC.

Ayon pa kay Sen. Hontiveros, si Rene rin ang nanghingi ng pera sa opisina ng senador “pambili ng laptop” ngunit tinanggihan nila ito dahil nasa polisiya ng opisina na huwag magbigay ng financial assistance sa mga potential witness.

Bukod pa rito, nilinaw ng senador na wala siyang condo at sinabing inililipat siya sa iba’t ibang safe house dahil sa banta sa kanyang buhay na taliwas sa sinabi ni Rene na natulog siya sa condo ng senador.

Nagsumbong din umano si Rene sa kanya na kinukumbinsi siya ng mga kakilala niya sa KOJC na bawiin ang kanyang testigo sa kaso ni Quiboloy upang mapahiya umano si Sen. Hontiveros kapalit ng pera, malakas na abogado, at pangakong itatago siya.

Ulat ni Ansherina Baes