Pormal na hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) na payagan ang kanyang abogado at mga miyembro ng pamilya na mabisita siya sa Scheveningen detention facility sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa Philippine Embassy sa The Hague, tumawag ang isang detention officer ng ICC alas-3:41 ng hapon nitong Huwebes, Marso 13 (alas-10:15 ng gabi Manila time) upang ipaalam na humiling si Digong na makausap ang kanilang Consular Officer.
Sa naturang phone call, hiniling din ng 79-anyos na dating pangulo na siya ay isailalim sa medical checkup at agad naman itong tinugunan ng custodial officers at lumabas diumano na maayos ang lagay ng kalusugan nito.
“The former President then requested a visit by Embassy consular officials and also asked the Embassy to assist in the request for a visit by his legal counsel and family member, respectively,” ayon sa Embahada.
Dahil dito, ipinaalam ng Embahada ang hiling ni Duterte sa Registry of the ICC upang i-facilitate ang Counsular Visit sa kanya “in the soonest time possible.”
Nagsagawa rin ng follow up ang PH Embassy sa hiling ni Duterte.