Ipinaliwanag ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Felix Ty sa isang panayam nitong Martes, Marso 11, na sinunod ng pamahalaan ng Pilipinas ang due process sa pag-hain ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ibinigay talaga ang lahat ng palugit kay President Duterte at sa kanyang mga kasamahan. Ginalang namin ang kanyang lahat ng Karapatan bilang dating pangulo,” saad ni Ty.
Aniya, binigay umano nila lahat ng palugit sa dating pangulo at ginalang lahat ng kanyang karapatan bilang dating Pangulo kasama ang pagbasa ng kanyang Miranda Rights at ang pagpapaliwanag kung bakit siya inaresto.
“Hindi pinwersa, hindi namin kinalimutan na siya ang dating pangulo, may edad na. Sinigurado namin na tahimik at marahan ang proseso,” saad ni Ty.
“Hindi defiant ang dating pangulo. May mga abogado siya na ipinaglaban nila ang posisyon nila. Marami silang hiniling pero si President Duterte tahimik lang siya, tanggap niya ang pangyayari,” dagdag niya.
Ulat ni Ansherina Baes